May Bagyo Ba Ngayon?
Sana sa kasalukuyan ay “Wala pang ulat ng bagyo” bilang sagot sa iyong katanungan kung may bagyo ba ngayon.
Ngunit, mahalaga pa rin na maging handa at manatiling alerto sa mga posibleng pagbabago sa panahon, may bagyo man o wala.
Sa mga sandaling magkakaroon ng bagyo, kung saan tila walang halaga ang lakas ng tao laban sa poot ng kalikasan, tayo’y manalangin sa Poong Maykapal, upang humihingi ng tulong para sa proteksyon at kaligtasan ng lahat, at upang maiwasan ang posibleng pinsala at trahedya na maaring idulot ng darating na unos at bagyo.
Ang ‘Tagalog version ng Prayer for Typhoon Protection’ ay maaaring maging isang mahalagang bahagi ng inyong paghahanda. Ito ay nagbibigay ng lakas ng loob at pananampalataya, hindi lamang para sa sariling kaligtasan kundi pati na rin para sa kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay at ng buong komunidad.
Panalangin Para sa Protection at Kaligtasan Laban sa Bagyo
Watch, and listen to the video version of this Prayer for Typhoon Protection.
Tayo’y manalangin sa Poong Maykapal, upang humihingi ng tulong para sa proteksyon at kaligtasan ng lahat, at upang maiwasan ang posibleng pinsala at trahedya na maaring idulot ng darating na unos at bagyo.
Panginoong Diyos, Amang Mapagmahal at Makapangyarihan, Ikaw na lumikha ng langit at lupa, sa Iyo kami ngayon, ay lumalapit at humihingi ng Iyong gabay at proteksyon laban sa unos at bagyo na aming haharapin.
Sa gitna ng umuugong na hangin at nagngangalit na kalikasan, kami ay nananalangin at humihingi ng Iyong gabay at pangangalaga.
Nagsusumamo kami, Panginoong Diyos, iligtas Mo po kami at ang aming mga mahal sa buhay, pati na rin ang buong sambayanan mula sa anumang panganib, sakuna at kapahamakan na dala ng unos at bagyo na darating.
Sa bawat patak at pagbuhos ng ulan, sa bawat hampas ng malalakas na hangin, nawa’y maramdaman namin ang Iyong presensya at yakap ng kaligtasan, upang mabigyan ng sapat na lakas at pag-asa ang aming puso at isipan.
O Diyos na makapangyarihan, sa oras ngayon ng aming pangamba at pagkabalisa, kami ay taimtim na nanalangin at nananawagan sa Iyong walang kapantay at walang hanggang awa.
Palakasin Mo po, Panginoon, ang aming mga puso na ngayo’y puno ng takot at pangamba.
Bigyan Mo po ng di-matitinag na katatagan ang aming mga isipan na puno ng pag-aalala, at patibayin Mo po ang aming pananampalataya na tila ba’y unti-unting nauupos sa gitna ng mga pagsubok at hamon sa buhay.
Patatagin MO po Panginoon, ang aming pananampalataya upang harapin ang anumang panganib na maaring dala ng darating na unos at bagyo na ito.
At nawa’y masilayan namin ang Iyong mukha sa bawat tulong na aming matatanggap, at sa bawat pagkakataon na kami naman ang makakatulong sa aming kapwa.
Nawa’y gabayan Mo rin ang bawat taong nasa nasa frontline at larangan ng pagliligtas, mga doktor, nurses, at iba pang tumutulong sa mga nangangailangan at naglilingkod para sa kapakanan ng iba, kasama na rin ang aming mga lider at mga namumuno sa aming komunidad.
Bigyan Mo sila po sila ng sapat na lakas at proteksyon sa kanilang pagganap ng tungkulin.
Sa Iyong mga kamay at kapangyarihan, aming isinusuko at ipinagkakatiwala ang lahat ng aming pagkabalisa, takot at pangamba.
Nawa’y kami ay mananatiling matatag sa gitna ng unos at bagyong darating, at magiging matibay sa pananampalataya at pagkakaisa.
Pinupuri at pinasasalamatan Ka namin sa lahat ng biyayang aming natanggap Panginoon.
Sa pangalan ni Hesukristo, aming Panginoon at tagapagligtas, kami ay taos-pusong nananalangin.
Amen.