PC masthead divider
Komiks "Ika nga" contestPC Header
Sa Pilipinas,
ngayon ay Huwebes

Agosto 21, 2008
PC masthead divider
North America Central America South America Australia - New Zealand - Oceania Philippines Asia Africa Middle East Europe Russia Terra Diaspora
divider_pc_sidebar
March 29, 2008 | Posted by Karla Maquiling at Features and Articles, Literature

Ni Jose Bimbo Santos

In this literary piece from Kanto’s third issue, Tag-ulan, Santos wonders, with the killing of journalists, is there anybody who still wants to be a reporter?

Noong isang araw diyan sa may kanto, binaril sa ulo ’yung mamang reporter. Sa radyo? Sa diyaryo? Sa TV? Di ko na matandaan kung saang reporter siya. Basta binaril siya. Noong isang araw lang. Di ko tanda kung anong petsa. Basta binaril siya.

Tatlong putok ’yung narinig namin. Tatlong putok ’yung tumapos sa kaniya. Hindi. Hindi naman mabilis. Parang may ilang segundong pagitan ’yung mga putok. Siguro pinagmasdan muna ng pumatay ’yung mamang reporter. Siguro, sa pagitan ng bawat kalabit sa gatilyo, sumusubo siya ng pulutan na nasa mesa. Siguro shuma-shot din siya ng serbesa. Nagtakbuhan daw kaagad ’yung mga kainuman ng mamang reporter pagkatapos pakawalan ’yung unang putok. Sumara kaagad ’yung bintana at namatay ’yung ilaw ng sari-sari store na pinagbilhan ng alak ng mamang reporter ’tsaka ng mga kasama niya.

Oo, medyo madilim talaga sa lugar na iyon. Pero pagkatapos ng pangyayari, lalo pang dumilim. Pagkarinig ng unang putok, nagsara nga ng ilaw ’yung tindahan. Tapos sumunod din ’yung mga katabing bahay. Dumilim nang dumilim ’yung lugar sa bawat putok, parang akala mo fuse ng kuryente namin ’yung pinapasabog. Natakot din kasi ’yung mga tao. Magkasabay gumapang ang dilim at takot at takot at dilim.

Hindi, mag-isa lang ’yung pumatay. Parang nakita ko nga rin siya bago ako pumasok ng bahay. Galing din ako dun sa tindahan. Bumili ako ng de-lata pang-ulam sa bahay. Naglalakad lang siya. Normal lang ’yung suot niya. Naka-polo, maong, at balat na sapatos.

Hindi ko siya kilala. Parang taga-ibang baryo ata. Pero sabi ng ilang mga nagtatrabaho sa munisipyo, nakita na raw nila siya doon, sa munisipyo.

Ah, siguro apat silang umiinom kasama ’yung reporter. Oo, kilala ko ’yung mga kasama ng reporter. Alam ko ang mga pangalan nila. Ah hindi. Hindi naman kasi taga-rito ’yun. Nagpupunta lang ’yun dito minsan para magtanong. Sa ibang bayan pa yata nanggagaling ’yun. ’Yung mga kainuman niya ang palagi niyang pinagtatanungan kapag nagpupunta ’yun dito. ’Yung isa sa munisipyo nagtatrabaho, tapos ’yung dalawa doon sa may planta pumapasok. Medyo matagal na nga rin noong huli kong nakita ’yung tatlong ’yun pagkatapos mabaril ’yung mamang reporter.

Ah mayroon naman. Medyo kilala ko pa nga ’yung humahawak ng kaso. Dito nakatira ’yun dati pero lumipat na siya sa kapitolyo noong na-promote at tumaas ’yung ranggo niya. Nagpunta sila dito noong kinabukasan ng tanghali pagkatapos ng barilan kasama ’yung dalawa niyang tauhan. May kinausap silang ilang pamilya. Nagtanung-tanong din, parang ’yung ginagawa ng mamang reporter kapag minsang nagpupunta siya rito. Nagpunta rin sila siyempre doon sa tindahan tapos tinanung-tanong nila ’yung may-ari. Medyo tirik pa ang araw noon kaya nag-merienda muna sila sa tindahan pagkatapos nilang magtanung-tanong. Nandoon pa rin, ’di naman nila itatapon ’yun kasi di naman sinira ng pumatay. Ginamit pa nga ng mga pulis ’yun habang nagme-merienda sila. Oo, pinatungan nila ng softdrinks.

Itanong mo na lang dun sa police station sa kapitolyo, siya ’yung hepe dun. Siya nga rin ’yung humawak ng ibang kaso ng mga namatay na reporter, pero di naman dito ’yun, sa ibang bayan na ’yun. Sabi nila, mga NPA raw ang pumatay doon. ’Yun din yata ’yung sinabi ng mga pulis. ’Tsaka sabi nila NPA rin daw ’yung mga ’yun, ’yung mga reporter. Ako di ako alam, di ko naman sila kilala. Sabi rin nila ’yung reporter na pinatay dito may mga nakaaway sa munisipyo dahil sa mga nire-report niya. Di ko alam, basta sabi nila may mga nire-report siya tungkol sa munisipyo, sa mga pulitiko doon.

Wala. Wala na. Wala nang kasamahan ’yun. Kaunti lang sila dito. Sino pa bang gustong maging reporter? Laging binabaril. Balita ko maliit nga rin suweldo ng mga ’yun. Wala nang pera, binabaril pa. Ah oo, mayroon pa rin naman, pero puro mga project ni mayor ’yung nire-report nila tsaka mga announcement kunwari ng mga liga o piyesta o ng mga bagong tayong kainan sa kapitolyo. Wala na masyado ’yung gaya ng pinatay, ’yung nagre-report ng pulitika, ’yung nagtatanung-tanong. ’Tsaka mas mataas din daw kasi suweldo kapag mga project ni mayor ’yung ibabalita.

Bali-balita nga na may tinumba na naman daw na gaya niyong reporter sa kabilang baryo noong isang araw. Tatlong putok din daw. Madilim. Tatlong putok ’yung tumapos. Walang nakakita. Dumilim. Oo, nung isang araw lang din.

Related stories:
Mga Lumang Sinehan ng Cubao
Wikang Ina Nating Lahat
Sumupsop at Humigop
Pinoy Pop Culture in Photocopied Paper

No Comments »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

GallerY
Untitled by J. Vincent
Untitled
by J. Vincent

Explore gallery

In focuS

Aboitiz banner

Sponsored
links

Zugbu

Arty.com

Priscilla

Cendrillon

Santa Fe

Filipiniana Restaurant Niles