PC masthead divider
Komiks "Ika nga" contestPC Header
Sa Pilipinas,
ngayon ay Lunes

Mayo 12, 2008
PC masthead divider
North America Central America South America Australia - New Zealand - Oceania Philippines Asia Africa Middle East Europe Russia Terra Diaspora
divider_pc_sidebar
March 24, 2008 | Posted by Karla Maquiling at Culture, Food

1814118412_725fa6310b.jpg

Champorado and tuyo [dried fish]. Photo by Kaoko.

Ni Paolo Mariano

In this article originally published in Kanto’s third edition, Tag-ulan, Paolo Mariano writes about what Filipinos love to eat during the rainy season.

Masarap sumupsop at humigop tuwing tag-ulan. Hindi yun bastos. Sumuspsop ng bulalo at humigop ng lugaw, mami, o champorado.

Maliban sa pagtulog at pagbabasa, ang pagkain ang isa sa pinakamasarap gawin kapag umuulan. Kakaiba at mas maagan ang pakiramdam kapag kumakain habang pumapatak o bumubuhos ang ulan—parang laging presko at romantic ang dining experience.

Ngunit katulad ng tao at damit, lasenggo at kanta sa videoke, hindi lahat ng pagkain ay angkop kainin kapag umuulan. Tulad na lang ng halu-halo, ice cream, ice drop, ice candy, ice buko, o kahit na anong may yelo at nakakangilo sa ipin ang lamig.

Ang maiinit na pagkain gaya ng lugaw, bulalo, at champorado ang pinakamainam na kainin tuwing tag-ulan. Bagay kainin ang mga ito dahil nakakapagpainit ito ng sikmura at nalalabanan ang lamig na dulot ng ulan o bagyo.

mami.JPG

Mami at Masuki. Photo by Jolengs.

Maliban sa pagiging masarap at mura, hindi na rin maiaalis sa kultura ng mga Pilipino ang mga pagkaing ito. Mula sa mga naka-pustiso na hanggang sa mga uhugin pa, kaugalian na ng mga Pinoy ang kumain ng mga ito tuwing umuulan.

Sa bansa na kung saan bigas o kanin ang pangunahing pagkain, natutunan na ng mga Pilipino kung paano ito gamitin sa iba’t ibang paraan, tulad ng champorado o lugaw. Gawa sa malagkit na kanin at cacao, ang champorado (chocolate rice pudding) ang paborito ng mga bata dahil sa lasa at kulay tsokolate nito. Kadalasan itong nilalagyan ng kondensada para lalong sumarap at tumamis. Bagay na partner din rito ang tuyo o kahit anong piniritong isda dahil nababalanse ang tamis at alat ng dalawa. Sabi ng matatanda, hindi ang cacao ang pinakasikreto sa paggawa ng masarap na champorado kundi ang pagiging matimpihin dahil mabagal ang pagluto rito at kinakailangang haluin maya’t maya para maging malata ang kanin at kumapit ang lasa ng tsokolate.

Kung hindi ka naman masyado mahilig sa matamis pero gusto mo rin ng kanin, lugaw (congee o porridge) naman ang nababagay sa iyo. Lingid sa alam ng karamihan (ng mayayaman), magkakaiba ang lugaw, goto, at arroz caldo. Ang lugaw ang pinaka-generic sa tatlo: kanin na pinakuluan sa sabaw ng karne. Kapag nilagyan ng manok ang lugaw, arroz caldo na ito. Kapag baka naman ang nilagay, goto na ang tawag dito. Sa madaling salita, puro kanin lang and lugaw.

Kung tuyo ang partner ng champorado, tokwa’t baboy naman ang sa lugaw. Hindi nawawala ang tokwa’t baboy, pati na rin ang dahon ng sibuyas at tustadong bawang kapag humihigop ng mainit na lugaw.

Kulang ka ba sa dugo? Naghahanap ka ba ng sakit sa batok at mabilis na pintig ng puso? Bulalo ang dapat mong hanapin sa tag-ulan. Unang nakilala sa Batangas ang bulalo dahil baka ang isa sa pinakapinagkakakitaan ng mga tao rito. Hindi nagtagal, naging paborito na ng mga Pinoy ang bulalo (binti ng baka na pinakuluuan sa sabaw ng baka) dahil maliban sa may kasama na itong mainit na sabaw at sari-saring gulay tulad ng repolyo, petchay, sibuyas, atbp., iba pa rin talaga ang sarap ng nakaka-high blood na mata ng bulalo, o bone marrow kung tawagin sa Ingles. Mahirap man kunin ang mata ng bulalo, sulit na sulit naman kapag natikman mo na ito. Bawing-bawi ang pagkangawit ng daliri mo sa kakasundot at pagsakit ng nguso’t labi mo sa kakasupsop.

Salamat sa impluwensiya ng isang Intsik na imigrante, naging patok na rin sa panlasa ng mga Pinoy ang mami o noodles. Si Ma Mon Luk, isang grade-school teacher mula sa Canton, ang nagpakilala ng mami sa Pilipinas noong dekada 90. Sa maikling panahon, naging matagumpay si Ma Mon Luk at nakapagpatayo pa ng ilang mamihan sa Maynila. Gawa sa canton noodles, sabaw ng baboy, manok, o baka, sari-saring gulay, at kadalasang sinasamahan ng nilagang itlog at tustadong bawang, talagang isa ang mami sa mga paboritong pagkain sa tag-ulan.

Halos bawat sulok o kanto sa Pilipinas ay mayroon nang gotohan, bulalohan, at mamihan kaya hindi mahirap maghanap ng makakainan nito kapag tinakam ka at umuulan. Sa lahat, mami ang pinakamadaling hanapin dahil kung saan-saan na makakakita ng binebentang mami ngayon: sa mamahaling restaurant, carinderia, canteen, at pati sa kalye, nilalako na ang mami. Kahit marami nang nagsulputang masasarap na mamihan, lalo na sa Binondo, ang orihinal na Ma Mon Luk pa rin sa Recto at sa Quezon Avenue ang dinarayo ng mga tao.

Maliban sa daan-daang masasarap na bulalohan sa Batangas at Tagaytay, marami-rami na rin ang mga nakagawa ng pangalan sa iba’t ibang lugar sa Maynila tulad ng mga bulalohan sa may Welcome Rotonda, Soseng’s sa Makati, at Tapsi ni Vivian sa Marikina.

May ilan na ring mga sikat na lugawan gaya ng Rosver sa Cainta, Estella’s Goto sa Marikina, at GoodAh sa iba’t ibang sulok sa Maynila.

Konting panahon na lang siguro at magkakaroon na rin ng mga champoradohan sa Pilipinas.

1 Comment »

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

GallerY
Aliwan Delegate by TheHouseKeeper
Aliwan Delegate
by TheHouseKeeper

Explore gallery

In focuS

Aryty banner

Sponsored
links

Zugbu Zugbu

Arty.com

Priscilla

Cendrillon

Santa Fe

Filipiniana Restaurant Niles